CAGAYAN DE ORO CITY — Nasamsam ng mga pulis ang tinatayang P2.36 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes mula sa dalawang inabandonang sasakyan sa Kauswagan, Lanao del Norte nitong madaling araw ng Linggo, Setyembre 13.
Ayon sa Lanao del Norte Police Provincial Office, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad dakong alas-1:40 ng madaling araw hinggil sa dalawang sasakyang patungo sa Barangay Paiton.
Sa isinagawang operasyon kasama ang 1005th Regional Mobile Force Battalion, natagpuan ang dalawang sasakyan na walang sakay at may lamang 2,950 reams ng hinihinalang smuggled cigarettes.
Dinala sa Kauswagan Municipal Police Station ang mga nasamsam na sigarilyo at mga sasakyan para sa dokumentasyon at kaukulang imbestigasyon.
Sinabi ni Police Regional Office-Northern Mindanao director Brig. Gen. Nestor Babagay na patuloy nilang tutugisin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan.
Patuloy namang inaalam ng pulisya kung sino ang may-ari at responsable sa mga inabandonang sasakyan at kontrabando. Mary Anne Sapico