MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na maaabot ang mataas na voter turnout sa kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa kabila ng ilang insidente ng karahasan sa rehiyon.
“Ako po, naniniwala ako na ‘yung akin pong binanggit na napakalaking porsyento [ng voter turnout] ay kaya po nating marating ‘yon,” ani Garcia nitong Lunes.
Ayon sa Comelec chief, kapansin-pansin ang mahahabang pila ng mga botante sa kabila ng mainit na panahon at mga naitalang kaguluhan sa ilang lugar.
Aniya, ipinakita ng mga taga-Bangsamoro na hindi sila nagpapatinag sa mga insidente ng putukan at iba pang tensyon habang nagpapatuloy ang halalan.
“They will vote. Nagpapasalamat tayo sa kanila sa tiwalang binigay po nila sa Comelec,” dagdag ni Garcia.
Sinabi rin ni Garcia na maituturing na generally peaceful ang halalan sa kabuuan, bagama’t ikinalungkot at kinondena niya ang mga insidenteng nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang katao sa Cotabato City.
“Nalulugkot kami. Kinokondena natin ‘yung ganyang klase ng mga insidente, lalo na’t may pagkamatay ng ating mga kababayan,” ani Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden