Home NATIONWIDE DOH suportado dagdag-buwis sa sugary drinks

DOH suportado dagdag-buwis sa sugary drinks

1
0

MANILA, Philippines — Suportado ng Department of Health (DOH) ang panukalang taasan ang excise tax sa sweetened beverages upang mabawasan umano ang pagkonsumo ng matatamis na inumin at makatulong sa pagpigil sa mga sakit na kaugnay nito.

Iminungkahi ng Department of Finance (DOF) na itaas mula P6 kada litro patungong P20 kada litro ang buwis sa mga inuming gumagamit ng caloric sweeteners, at mula P12 patungong P40 kada litro para sa gumagamit ng high-fructose corn syrup.

Kasama rin sa panukala ang taunang 5% indexation ng buwis at pagtanggal ng tax exemption sa ilang natural fruit at vegetable juices, gayundin sa edible ices gaya ng ice cream at frozen yogurt.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Lester Tan, ang mataas na konsumo ng matatamis na inumin ay nakadaragdag sa panganib ng obesity, diabetes at cardiovascular diseases, at maaari ring magkaroon ng kaugnayan sa ilang uri ng cancer.

Batay aniya sa 2023 Global Burden of Disease study, tinatayang 3,537 pagkamatay at 143,653 disability-adjusted life years sa Pilipinas ang maiuugnay sa mataas na pagkonsumo ng fizzy drinks.

Nilinaw naman ng DOH na hindi nangangahulugang direktang sanhi ng sweetened beverages ang bawat kaso, ngunit nagpapakita ang datos na may nasusukat at maiiwasang ambag ang mataas na pagkonsumo nito sa disease burden ng bansa.

Iminungkahi rin ng DOH na 50% ng malilikom na kita mula sa mas mataas na buwis ay ilaan sa Philippine Health Insurance Corporation para sa premium financing sa ilalim ng Universal Health Care.

Tinataya naman ng DOF na kapag naipatupad ang reporma, maaaring bumaba nang humigit-kumulang 27.2% ang kabuuang konsumo ng sweetened beverages, habang maaaring bumaba ng nasa 32% ang pagkonsumo ng carbonated drinks. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here