MANILA, Philippines — Nangunguna ang Bangsamoro Federalist Party (BFP) sa party vote ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), batay sa partial at unofficial parallel count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Sa datos, nakakuha ang BFP ng 652,227 boto o 35%, habang pumapangalawa ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na may 604,968 boto o 32.4%.
Nasa ikatlong puwesto ang BARMM Grand Coalition (BGC) na may 385,396 boto o 20.6%, kasunod ang Raayat Democratic Party na may 67,800 boto o 3.7% at Pro Bangsamoro Party na may 36,380 boto o 2%.
Sa sectoral representatives, nangunguna naman ang mga kandidato ng UBJP na sina Yul Adelfo Olaya para sa settler communities, Aida Silongan para sa women sector, Sulffy Abbas para sa youth sector at Muhammad Nadzir Ebil para sa Ulama sector.
Mahigit dalawang milyong botante ang kwalipikadong bumoto para sa 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament na pinaglalabanan ng 13 partido.
Hindi pa pinal ang mga bilang at maaari pang magbago habang nagpapatuloy ang canvassing at pagbilang ng mga boto. RNT