MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2272 o Expanded National Nutrition Program Act na naglalayong palawakin at dagdagan ang pondo para sa nutrition at school-feeding programs ng gobyerno laban sa child malnutrition at stunting.
Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, saklaw ng panukala ang nutritionally at-risk na buntis na adolescent learners, buntis at nagpapasusong kababaihan, mga sanggol at toddlers, mga batang edad 24 hanggang 59 buwan, kindergarten hanggang Grade 3 learners, malnourished na Grade 4 hanggang Grade 6 students, at iba pang vulnerable learners.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, alagaan natin ang kalusugan ng ating mga anak. Poprotektahan natin ang kanilang kinabukasan,” ani Pangilinan sa kanyang paliwanag sa pagboto pabor sa panukala.
Kasama rin sa panukala ang mekanismo sa ilalim ng Sagip Saka Act na nagbibigay-daan sa mga paaralan at child development centers na direktang bumili ng pagkain mula sa accredited local farmers at fisherfolk cooperatives nang hindi na dumaraan sa public bidding.
Inaatasan din ng panukala na mabayaran ang mga magsasaka at mangingisda sa loob ng 15 working days para sa kanilang mga produktong isinusuplay sa feeding programs.
Na-consolidate sa SB 2272 ang Senate Bill No. 219 o Libreng Almusal Act na inihain ni Pangilinan.
Batay sa 2025 Updating Survey Results ng DOST-Food and Nutrition Research Institute, umabot sa 25.3% ang stunting rate sa mga batang wala pang limang taong gulang, katumbas ng humigit-kumulang isa sa bawat apat na bata.
Mas mataas ito ng 1.7 percentage points mula noong 2023 at unang pagtaas ng stunting rate sa bansa mula 2015. Ernie Reyes