Home NATIONWIDE Unified electronic medical records system, isinusulong sa Kamara

Unified electronic medical records system, isinusulong sa Kamara

2
0

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang pagtatatag ng unified at secure Electronic Medical Records (EMR) system upang mapabilis ang serbisyo sa mga pasyente at mabawasan ang gastos ng gobyerno sa healthcare.

Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang panukala upang mapahusay ang koordinasyon ng Department of Health (DOH) hospitals at mga health facility na pinatatakbo ng local government units.

Aniya, sa kasalukuyang sistema, may mga pagkakataong inuulit ang laboratory tests at iba pang diagnostic procedures dahil hindi agad naibabahagi ang medical records ng pasyente sa pagitan ng mga ospital at health center.

“Minsan, yung nagawa ng laboratory tests sa LGU health care facility, uulitin pa din pagdating ng pasyente sa DOH hospital dahil walang koordinasyon, kaya’t nadodoble ang gastos para sa gobyerno,” ani Yamsuan.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng centralized digital platform para sa mahahalagang impormasyon ng pasyente na sasaklaw muna sa mga public health facility sa ilalim ng DOH, LGUs at government-owned and controlled health institutions.

Plano rin itong palawakin kalaunan sa mga pribadong ospital, klinika, diagnostic centers at iba pang healthcare providers.

DOH, Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang inaatasang magtatag ng sistema.

Limitado naman ang access sa records sa mismong pasyente, awtorisadong kinatawan at accredited health facilities, habang maaaring magbigay o magbawi ng pahintulot ang pasyente para sa ilang uri ng sensitibong impormasyon, maliban sa medical emergencies at mga kasong sakop ng mandatory reporting.

Suportado rin ng panukala ang data protection sa pamamagitan ng National Privacy Commission, koordinasyon sa LGUs sa tulong ng Department of the Interior and Local Government, at identity authentication sa Philippine Statistics Authority.

Nais ni Yamsuan na maging bahagi ang unified EMR system ng mas malawak na inter-referral arrangement ng DOH upang maiwasan ang duplication ng procedures, mabawasan ang congestion sa higher-level hospitals at matiyak ang tuloy-tuloy na pangangalaga sa mga pasyente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here