WASHINGTON — Pansamantalang hinarang ng isang federal judge sa United States ang pagpapatupad ng mas mahigpit na immigration rules ng administrasyon ni President Donald Trump para sa mga dayuhang estudyante, exchange visitors at journalists.
Naglabas si US District Judge F. Dennis Saylor IV ng preliminary injunction nitong Lunes, isang araw bago nakatakdang magkabisa ang bagong patakaran ng Department of Homeland Security (DHS) sa Setyembre 15.
Sa ilalim ng bagong sistema, papalitan ang matagal nang “duration of status” arrangement at magtatakda ng fixed period of admission para sa mga may F, J at I classifications.
Hanggang apat na taon sana ang maximum initial stay para sa karamihan ng foreign students at exchange visitors, habang hanggang 240 araw naman para sa karamihan ng foreign journalists, bago kailanganing humiling ng extension.
Hindi pa tuluyang pinawalang-bisa ni Saylor ang patakaran, ngunit pinigil muna ang implementasyon habang dinidinig ang kaso.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Oktubre 2.
Ipinatupad sana ng DHS ang pagbabago bilang bahagi ng mas mahigpit na pagbabantay sa immigration compliance, national security at visa fraud, ngunit kinuwestiyon ng korte kung sapat ang naging batayan ng ahensya sa pagbabago ng matagal nang sistema. RNT