MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa isang scammer na gumagamit umano ng pangalan ni Secretary Rex Gatchalian upang manloko ng publiko.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ginagamit ng nagpapanggap na indibidwal ang mobile number 0969-268-4752 at ipinakikilala ang sarili bilang kalihim ng ahensya.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na huwag magpadala ng pera o magbigay ng personal na impormasyon sakaling makatanggap ng kahina-hinalang mensahe o tawag mula sa naturang numero.
“Ang pagiging maingat at pag-check sa mga official channels ng DSWD o ng kahit ano pang ahensya ang pinakamabisang paraan para hindi tayo mabiktima ng panloloko,” ani Dumlao.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na paalalahanan ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay, lalo na ang senior citizens at mga walang access sa social media, upang maiwasang mabiktima ng scam.
Para sa lehitimong impormasyon, maaaring i-check ang verified Facebook page ni Gatchalian na REX Gatchalian, ang kanyang X account na @rex_gatchalian, at ang official Facebook page ng DSWD na @dswdserves.
Maaari ring magsumbong o magtanong sa DSWD hotlines na 0917-110-5686, 0917-827-2543, at 0919-911-6200. Santi Celario