COTABATO CITY, Philippines – Umabot sa tinatayang 80% ang voter turnout sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Martes.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, patunay ito ng determinasyon ng mga botante sa rehiyon na makaboto sa kabila ng ilang insidente ng karahasan.
“Masaya naman tayo dun sa resulta na 80% voter’s turnout more or less ang naging resulta nito,” aniya.
Sinabi ni Garcia na kahit may mga insidente ng putukan, hindi umano nagpatinag ang mga botante at nagtungo pa rin sa kanilang mga presinto upang bumoto.
Samantala, iniulat ng Police Regional Office-BARMM na may 16 election-related incidents na naitala sa buong rehiyon, kabilang ang shooting, trapping at explosion incidents.
Patuloy naman ang halalan sa 36 precincts sa Maluso, Basilan matapos matuklasang pre-shaded ang ilang balota.
Inaasahang magsisimula naman nitong Martes ng hapon ang proclamation ng mga nanalong kandidato sa BARMM parliamentary elections. RNT/MDS