MANILA, Philippines – Isusulong ng Pilipinas ang mas matibay na regional cooperation sa waste reduction at resource recovery habang iho-host nito ang ASEAN Regional Dialogue on Circular Economy (ARDCE) sa Makati ngayong Setyembre 22–23.
Dumalo sa dalawang araw na dialogue ang mga policymakers, kinatawan ng industriya at civil society bilang bahagi ng 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas.
Tatalakayin ng mga bansang ASEAN ang mga hakbang upang makalayo sa “take-make-dispose” system at mapanatiling ginagamit nang mas matagal ang mga materyales sa pamamagitan ng reuse, recycling at resource efficiency.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Cuna, kailangan ng pangmatagalang solusyon sa problema sa basura, alinsunod sa ASEAN Framework for Circular Economy, ASEAN Sustainable Consumption and Production Framework at ASEAN Regional Action Plan on Marine Debris.
“Long-term solutions must also address the problem at its source and strengthen measures that can discourage repeated abuse of natural resources,” ani Cuna.
Kabilang sa agenda ang national circular economy policies, papel ng local governments, Extended Producer Responsibility (EPR), at financing at market mechanisms para matulungan ang mga negosyo at komunidad sa paglipat sa circular economy.
Bibigyang-diin din ng Pilipinas ang pagsasama sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at informal waste workers sa pagpapalawak at pagsasaayos ng circular economy systems.
Inaasahang magbubunga ang regional cooperation ng mas malinis na komunidad, dagdag na kabuhayan sa recycling at resource recovery, at mas malaking suporta sa informal waste workers.
Magtatapos ang dialogue sa isang ASEAN Chair’s Summary on Circular Economy Policy and Implementation na ilalahad sa ASEAN Circular Economy Forum sa Oktubre at magiging ambag sa mga talakayan para sa 49th ASEAN Summit sa Maynila sa Nobyembre. RNT/MDS