MANILA, Philippines – Inalis na ng Bureau of Internal Revenue ang Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge ng mga kuryente.
Alinsunod ito sa mithiin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pababain ang bayarin ng electricity consumers sa buong bansa dahil batid ng pamahalaan na kada piso ay mahalaga sa pagba-budget ng bawat pamilyang Pilipino.
Para kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, magandang balita ito sa lahat ng nagbabayad ng bill sa kuryente.
Araw ng Lunes, September 14 ay inilabas ng kagawaran ang Memorandum Circular 97-2026na nag-aalis ng Value-Added Tax sa allowable system loss charge sa loob ng cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa ilalim ng naturang circular na nagpapatupad sa ERC Resolution No. 26, Series of 2026, idineklara ang allowable system loss charge bilang isang government-mandated pass-through cost na hindi na isasama sa gross sales para sa VAT computation, kaya hindi na ito papatawan ng output VAT at creditable withholding sa VAT.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, ang pagtanggal ng buwis sa allowable system loss ay isang hakbang upang tuparin ang hangarin ng Pangulo na maghatid ng mga reporma na direktang napapakinabangan at agarang nararamdaman ng mga Pilipino.
Pagpapatupad din ito ng mga praktikal na solusyon upang maibsan ang pasanin ng mga mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin at singil sa kuryente.
“Mga pagbabagong praktikal at aktuwal na nararamdaman, iyan ang nais ni Pangulong Marcos para sa mga mamamayang filipino,” ayon kay Castro.
Samantala, siniguro namn ng pamunuan ng BIR na bagama’t hindi nito masosolusyunan ang buong problema sa mataas na singil sa kuryente, ang bawat pisong mababawas sa resibo ng mga consumer ay malaking tulong sa pang-araw-araw na gastusin ng bawat pamilyang Pilipino. (KRIS JOSE)