Home NATIONWIDE P12K ayuda sa minimum wage households, aprubado ng House panel

P12K ayuda sa minimum wage households, aprubado ng House panel

3
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Social Services ang mga panukalang naglalayong magtatag ng Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo Program o Pamana, na magbibigay ng hanggang P12,000 kada taon sa kwalipikadong pamilyang kumikita ng minimum wage.

Sa ilalim ng House Bill 10648, makatatanggap ang benepisyaryo ng P1,000 buwan-buwan sa pamamagitan ng digital wallet na nakaugnay sa PhilSys.

Kabilang sa kwalipikado ang mga pamilyang pinamumunuan ng minimum wage earners na rehistrado sa PhilSys at hindi tumatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o sa kapalit nitong programa.

Sakop din ang kwalipikadong manggagawa sa pampublikong sektor, self-employed at informal sector na kumikita ng minimum wage o mas mababa rito.

Ayon kay Tingog party-list Rep. Jude Acidre, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, hindi lamang simpleng ayuda ang Pamana dahil layunin nitong mapalakas din ang maliliit na negosyo.

“We should be clear that Pamana is not simply ayuda. The intention is not just to transfer money to a household and end the intervention there,” ani Acidre.

Ang matatanggap na subsidy ay kailangang gastusin lamang sa mga accredited local micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kabilang ang sari-sari stores, market vendors, kainan at pharmacies.

May limitasyong P200 kada araw ang maaaring gastusin ng bawat benepisyaryo, habang maaaring mai-carry over ang hindi nagamit na pondo sa susunod na araw ngunit mananatili ang parehong daily limit.

Hindi maaaring i-convert sa cash, ilipat sa ibang account o gamitin ang subsidy sa online gambling, alak, tabako at iba pang ipinagbabawal na produkto at serbisyo.

Iminungkahi rin ang paglikha ng Pamana Trust Fund, na pananatilihin ng Bureau of the Treasury at pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na popondohan mula sa mga itinalagang kita ng pamahalaan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here