Home HOME BANNER STORY Padilla, pinasasagot sa obstruction complaint

Padilla, pinasasagot sa obstruction complaint

1
0

MANILA, Philippines – Pinatawag ng National Prosecution Service (NPS) si Sen. Robinhood Padilla upang humarap sa panel ng mga prosecutor at sagutin ang reklamong obstruction of justice na inihain laban sa kanya.

Inihain ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Anti-Organized Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-AOCU), ang reklamo noong Mayo kaugnay ng umano’y pagtulong ni Padilla sa pag-alis ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14.

Nauna nang inamin ni Padilla na nakisakay sa kanyang sasakyan si dela Rosa habang umaalis siya sa compound ng Senado. Giit ng senador, walang mali sa kanyang ginawa dahil hindi naman pugante si dela Rosa at wala itong lokal na warrant of arrest noon.

Ayon kay DOJ spokesperson lawyer Polo Martinez, sumailalim na sa pagsusuri ang reklamo bilang paunang hakbang upang malaman kung may sapat na batayan para sa pormal na preliminary investigation.

Sinabi ni Martinez na naihatid na rin ang subpoena kay Padilla at Lt. Col. Jean Alla Yasin Robles dakong alas-2:30 ng hapon sa Senado kaugnay ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1829 o obstruction of justice.

“The Department confirms that subpoenas were served on Sen. Robinhood Padilla and Lt. Col. Jean Alla Yasin Robles at around 2:30 p.m. today at the Senate, in connection with the pending complaint against them for alleged violation of PD 1829 (Obstruction of Justice),”

Inatasan sina Padilla at iba pang respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit at mga ebidensiya sa nakatakdang pagdinig sa Setyembre 25 at Oktubre 9.

Sa ilalim ng PD 1829, saklaw ng obstruction of justice ang mga gawaing sadyang humahadlang, nagpapabagal o nakaaantala sa pag-aresto sa mga suspek at pag-usad ng mga kasong kriminal.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang tanggapan ni Padilla hinggil sa subpoena. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here