MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na gawing pangunahing requirement ang National ID sa pagberipika ng edad ng mga Pilipinong magbubukas ng social media account.
Sa ilalim ng panukalang amyenda ni Lacson sa Senate Bill No. 2424 o Child Online Safety and Protection Act, maaaring gamitin ang Philippine Identification System (PhilSys) bilang pangunahing patunay ng edad, habang maaari namang gumamit ng backup ID.
“I-simplify natin at gamitin natin ang National ID… Ang panukala ko, pagdating sa period of amendments, gawin nating must ang basis, gawin natin ang National ID o ano ang backup ID na pwedeng gamitin para documented,” ani Lacson.
Sa kasalukuyang bersyon ng panukala, kabilang sa mga maaaring paraan ng age verification ang self-declaration ng edad, third-party verification at artificial intelligence-based age estimation.
Ayon kay Lacson, maaaring magkaroon ng loopholes at maging komplikado ang pagpapatupad kung bibigyan ng maraming pagpipilian ang mga social media platform.
“Pag naglatag tayo ng discretion maglilikha tayo ng butas… upang paikutan ang pagpapatupad ng batas na ito,” aniya.
Sinabi ni Lacson na nasa humigit-kumulang 96 porsyento na ng populasyon ang saklaw ng National ID registration, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Sa ilalim ng SB 2424, bawal magparehistro sa social media ang mga batang wala pang 16 taong gulang. Ang edad 16 hanggang wala pang 18 ay maaaring payagang gumamit nito, ngunit may age-assurance requirements at child-safety protocols.
Iminungkahi rin ni Lacson na maaaring panatilihin ang restriction hanggang edad 18 at gamitin ang dalawang taon ng senior high school para sa structured social media at digital literacy education.
Bukod dito, nais niyang palakasin ang papel ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kabilang ang pagbibigay dito ng quasi-judicial powers upang matukoy ang pananagutan at magpatupad ng administrative penalties. RNT/MDS