Home NATIONWIDE Hontiveros nagbabala vs pagtindi ng school violence sa naantalang Child Online Safety...

Hontiveros nagbabala vs pagtindi ng school violence sa naantalang Child Online Safety Law

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Sen. Risa Hontiveros nitong Martes na maaaring humina ang mga hakbang upang  pigilan ang online-driven violence na tumatawid sa paaralan kung maaantala ang pagpasa sa panukalang child online safety law.

“Pinaka-importante, urgent po itong bill,” ani Hontiveros sa isang radio interview, sabay banggit sa mga law enforcer at imbestigador na nagnanais ng mas matibay na kasangkapan para maiwasan ang isa pang school shooting o malaking marahas na insidenteng kinasasangkutan ng mga bata.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children law at palawakin ito bilang mas malawak na child online safety bill na sasaklaw sa child sexual abuse and exploitation materials, at online mechanisms na may kaugnayan sa nihilistic violent extremism.

Binanggit ni Hontiveros ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga bilang halimbawa ng pinakamasamang epekto ng mapaminsalang impluwensya ng online sa mga menor de edad.

“Minsan yung kaaway ng the good ay yung the perfect. So huwag naman sanang pine-perfect natin yung bill at the expense of kaligtasan ng ating mga bata,” aniya.

Mariing pinabulaanan ni Hontiveros na minamadali ang panukala, at sinabing tatlong linggo na itong nasa period of amendments.

Aniya, nabasa at tinanggap na niya ang nasa 80 amyenda noong nakaraang linggo, kabilang ang ilang mula sa isang kasamahan, at bukas pa rin siya sa karagdagang pagbabago ngayong linggo.

“Laging bukas ako dyan. Lagi kong sinasagot and lahat ng mga amyenda niya so far tinanggap ko,” ani Hontiveros.

Sinabi niya na maaari pang pagandahin ng Senado ang panukala nang hindi nalilihis sa layunin nitong bigyan ang mga awtoridad ng napapanahong legal shield para sa mga bata laban sa online exploitation at marahas na impluwensya sa digital world.

Nananatili sa period of amendments sa Senado ang panukala.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here