MANILA, Philippines – Inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na kumilos at magpasa ng batas laban sa political dynasty sa pinakamaagang pagkakataon.
Sa press briefing, sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting na halos 39 taon na ay walang naipapasang batas kaugnay nito, kaya itinuring ng Korte na grave abuse of discretion ang matagal na hindi pagkilos ng Kongreso.
Binigyang-diin din sa desisyon ng SC en banc na may tungkulin ang Kongreso na ipagbawal ang political dynasty alinsunod sa nakasaad sa 1987 Constitution.
Nag-ugat ang desisyon sa petisyon na inihain noong 2025 ng ilang grupo at indibidwal na humihiling sa Mataas na Hukuman na atasan ang Kongreso na magpatibay ng batas laban sa mga political dynasties.
Ayon sa SC, nasa Kongreso pa rin ang pagpapasya kung ano ang magiging depinisyon ng political dynasty, kung sinu-sinong magkakamag-anak ang sakop nito at kung anong mga posisyon sa gobyerno ang saklaw ng pagbabawal.
Samantala, nilinaw ng Korte Suprema na sa ngayon ay hindi pa maaaring i-disqualify ng Comelec ang isang kandidato dahil lamang sa kaugnayan nito sa isang political family.
Kailangan muna ng malinaw na batas na magtatakda kung ano ang political dynasty at kung sino ang sakop nito.
Ayon kay Ting, binigyang pansin ng SC ang maraming anti-dynasty bill na inihain sa Kongreso sa mga nakaraang taon na nananatiling hindi naaaksyunan.
Isinaalang-alang din aniya ng Korte ang mga pag-aaral sa paglaganap ng mga political dynasty at ang kanilang kaugnayan sa mga kalagayang sosyo-ekonomiko ng bansa. Jocelyn tabangcura-Domenden