Home NATIONWIDE 2 Hapon, arestado ng BI sa iligal na pagtatrabaho sa Cavite

2 Hapon, arestado ng BI sa iligal na pagtatrabaho sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese national na umano’y nagtatrabaho nang walang kinakailangang immigration documents sa Golden Mile Business Park sa Barangay Maduya, Carmona, Cavite noong Setyembre 10.

Kinilala ng BI ang mga naaresto bilang sina Kaoru Goto, 33, at Tsutsumi Kazumasa, 32. Ayon sa ahensya, nagtatrabaho ang dalawa sa isang business establishment nang walang kinakailangang work permit at angkop na visa.

Isinagawa ng mga operatiba ng BI Intelligence Division ang operasyon alinsunod sa Mission Order No. 2026-329 na inilabas noong Setyembre 8.

Sa operasyon, nagpanggap umanong mga kliyente ang mga operatiba at nagtanong tungkol sa isang electric vehicle (e-vehicle). Pagpasok sa establisyimento, nakita umano nila ang dalawang Japanese national na aktuwal na gumagawa ng trabaho kahit wala ang kinakailangang immigration documents.

Dahil dito, agad silang inaresto ng mga operatiba.

Matapos ang inquest proceedings sa harap ng mga abogado ng BI, dinala sina Goto at Tsutsumi sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City, kung saan mananatili sila habang isinasagawa ang deportation proceedings.

Pinaalalahanan ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas na kailangang kumuha muna ng tamang work permit at visa bago magsimulang magtrabaho.

“Foreign nationals who wish to work in the Philippines must secure the proper work permit and visa before engaging in any employment,” ani Viado.

Ayon pa sa BI chief, magpapatuloy ang ahensya sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga dayuhang lumalabag sa Philippine immigration laws.

Nanawagan din si Viado sa mga establisyimentong kumukuha ng mga dayuhang manggagawa na tiyaking mayroon ang mga ito ng balido at angkop na immigration documents.

Nagbabala ang BI na pananagutin sa ilalim ng batas ang mga establisyimentong lalabag sa mga umiiral na regulasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here