MANILA, Philippines — Nanawagan si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay sa maritime domain ng Pilipinas matapos mamataan ang dalawang Chinese military hydrographic survey vessel noong Setyembre 11.
Ayon kay Goitia, ang Hai Yang 23 Hao/Qian Xuesen 873 at Hai Yang 24 Hao/Deng Jiaxian 874 ay Type 636A survey ships ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at hindi ordinaryong civilian research vessels.
Iniulat na namataan ang Hai Yang 23 humigit-kumulang 1.15 nautical miles sa timog ng Galoc Island, Palawan, habang ang Hai Yang 24 ay nasa 64.28 nautical miles west-northwest ng Panatag Shoal, malapit sa undersea cable infrastructure.
Sinabi ni Goitia na mahalagang malaman kung anong uri ng datos ang kinokolekta ng mga barko, partikular sa seabed, dahil maaaring gamitin ang naturang impormasyon sa iba’t ibang operasyon sa dagat.
“Hindi ito mga ordinaryong research vessel. Mga military survey ship ang mga ito na may kakayahang mangalap ng detalyadong impormasyon tungkol sa ating maritime environment,” ani Goitia.
Dagdag niya, may karapatan ang Pilipinas na alamin ang layunin ng mga survey, lalo na kung isinasagawa ang mga ito sa mga sensitibong lugar.
Binanggit din ni Goitia ang Republic Act No. 12065, o Philippine Archipelagic Sea Lanes Act of 2024, kaugnay ng mga kinakailangan sa pagsasagawa ng hydrographic o oceanographic surveys ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa mga archipelagic sea lanes.
Samantala, iniulat din ang presensya ng 48 Chinese Coast Guard at PLA Navy vessels sa apat na pangunahing lugar sa West Philippine Sea mula Setyembre 8 hanggang 14.
Para kay Goitia, hindi kailangan ng komprontasyon ngunit dapat patuloy na bantayan at idokumento ng Pilipinas ang kilos ng mga dayuhang sasakyang-dagat.
“Bantayan sila, idokumento ang kanilang ginagawa at ipaglaban ang ating mga karapatan,” ani Goitia.
Ang usapin, aniya, ay hindi lamang tungkol sa mga barkong naglalayag sa ibabaw ng dagat kundi maging sa impormasyong maaaring makuha mula sa seabed at sa mga kritikal na imprastraktura sa ilalim ng karagatan.
Nanawagan siya para sa mas matibay na maritime awareness, tuloy-tuloy na monitoring at malinaw na pagpapatupad ng mga karapatan ng Pilipinas sa karagatan.
Samantala, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs nitong Setyembre 11 ang posisyon ng Pilipinas sa sovereign rights at jurisdiction nito sa ilang maritime features sa West Philippine Sea, kabilang ang Panganiban Reef at Zamora Reef.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). JAY Reyes







