Home NATIONWIDE Malakanyang hinikayat mga lalahok sa Sept. 21 rally na panatilihing mapayapa mga...

Malakanyang hinikayat mga lalahok sa Sept. 21 rally na panatilihing mapayapa mga protesta

1
0

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Malakanyang ang mga lalahok sa nakatakdang September 21 rally na panatilihing mapayapa at maayos ang kanilang demonstrasyon.

Binigyang diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na may karapatan ang mga filipino na isatinig ang kanilang mga karaingan.

Tiniyak ni Castro na hindi pipigilan o hahadlangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga mamamayan na magpapahayag ng kanilang pananaw at saloobin sa pamamagitan ng mapayapang pagtitipon subalit umapela sa mga protesters na iwasan ang karahasan.

“Karapatan ninyo po ang magsalita, karapatan ninyo po ang manawagan, huwag na lang po sana maging marahas,” ang sinabi ni Castro.

“Karapatan naman po ninyo na manawagan ay para madinig kung ano ang nais ninyong ipadinig at makarating sa ating pamahalaan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, tiniyak ni Castro na nakahanda ang Philippine National Police (PNP) para sa Sept. 21 demonstrations, habang patuloy na tinutugunan ng gobyerno ang di umano;’y iregularidad sa flood control projects.

“Handa po ang ating kapulisan sa darating na Sept. 21,” anito.

Samantala, sa Sept. 21 din ang ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972.

Ang mga rally ay kaugnay ng panawagan ng mga progresibong grupo para sa pananagutan sa umano’y katiwalian sa flood control at iba pang proyekto ng pamahalaan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here