MANILA, Philippines – PINALALAKAS ng pamahalaan ang transportasyon at koneksyon sa bansa sa pamamagitan ng mga railway project, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ito ng Pangulo nang pangunahan ang groundbreaking ng Metro Manila Subway Project-NAIA Terminal 3 Station sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.
Layunin ng proyekto na maibsan ang trapiko at mapabilis ang biyahe.
“This project, along with other railway projects that we are currently undertaking, such as the North-South Commuter Railway, MRT-7, the Common Station, and our other rail projects, forms part of our broader effort to improve mobility and connectivity,” pahayag ni Pangulong Marcos sa seremonya.
Kabilang sa Contract Package 109 o CP109 ang underground NAIA Terminal 3 Station at connecting tunnels nito sa pagitan ng Taguig at Pasay.
Gagamit ito ng makabagong teknolohiya sa paggawa ng tunnel, kabilang ang pagpapatibay sa pundasyon ng mga kasalukuyang expressway pier upang ligtas na maisagawa ang konstruksyon sa ilalim ng mga umiiral na imprastraktura.
Ayon sa Pangulo, subok na sa Japan ang teknolohiyang gagamitin.
Nakumpleto na rin ang 100 porsiyento ng right-of-way sa station area, kaya mas tuluy-tuloy ang konstruksyon.
“This progress reflects the cooperation of government, the private sector, and our development partners,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pinasalamatan ng Pangulo ang mga lokal na pamahalaan, gayundin ang Government of Japan at Japan International Cooperation Agency o JICA, sa kanilang suporta sa proyekto.
Sa pagsisimula ng CP109, hinimok ng Pangulo ang mga contractor, engineer at manggagawa na tiyaking ligtas, episyente, nasa oras at de-kalidad ang proyekto.
Iniulat din ng Pangulo na halos 60 porsiyento na ang overall progress ng Metro Manila Subway, habang nagpapatuloy ang konstruksyon sa malaking bahagi ng alignment nito.
“Together, these projects will better connect communities within Metro Manila and beyond, providing greater convenience and better opportunities for our people,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng oras ng bawat Pilipino.
Aniya, bawat minutong natitipid sa biyahe ay dagdag na oras para sa pamilya, sariling pag-unlad at pagiging produktibong mamamayan.
“That is what projects such as the Metro Manila Subway must ultimately deliver,” dagdag ng Pangulo. KRIS JOSE