MANILA, Philippines — Binawi ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng dalawang taon ang driver’s license ng aktor na si Niño Muhlach matapos ang insidente ng banggaan sa Antipolo City noong Agosto.
Batay sa imbestigasyon ng LTO, matinding pagod umano ang naranasan ni Muhlach bago siya nawalan ng kontrol sa minamanehong SUV na bumangga sa tatlong establisimyento sa Marcos Highway.
Dahil dito, napatunayang liable ang aktor sa reckless driving at idineklarang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” na naging batayan ng dalawang taong revocation ng kanyang lisensya.
Mananatili ring naka-alarm status ang sasakyan ni Muhlach upang matiyak ang pagpapatupad ng parusa at maiwasan ang anumang transaksyon habang umiiral ang resolusyon ng LTO.
Sa insidente noong Agosto 23, tumawid sa kabilang lane ang SUV at bumangga sa tatlong establisimyento, kabilang ang isang kainan kung saan isang customer ang nasugatan. Tumama rin ang sasakyan sa isang nakaparadang motorsiklo.
Nauna nang inako ni Muhlach ang responsibilidad sa aksidente at sinabi niyang nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa labis na pagod mula sa kanyang schedule. Santi Celario