MANILA, Philippines — Binigyan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang buwan upang magsumite ng rekomendasyon sa mga nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Lopez, dapat ipagpatuloy ng LTFRB ang pagdinig sa mga petisyon habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang paraan upang matulungan ang mga public utility vehicle operator at driver.
“Hopefully, by next month meron na kaming magandang rekomendasyon. I think that’s enough time for us also to weigh things,” ani Lopez.
Binigyang-diin ng kalihim na kailangang balansehin ang pangangailangan ng transport sector at kapakanan ng mga commuter dahil maaari ring makadagdag sa inflation ang pagtaas ng pamasahe.
Kabilang sa pinag-aaralan ng Department of Transportation ang pagpapalawak ng fuel assistance upang masaklaw ang iba pang uri ng pampublikong sasakyan gaya ng tricycle at mga gumagamit ng produktong petrolyo bukod sa diesel.
Sa kasalukuyan, itinaas na sa P12 kada litro ang fuel discount para sa mga kwalipikadong PUV, na ayon kay Lopez ay maaaring magbigay ng humigit-kumulang P1,800 na tipid kada linggo sa mga jeepney driver at operator.
Sinabi rin ng DOTr na patuloy nitong hihilingin sa Kongreso ang pondo para sa fuel subsidy at iba pang transport programs matapos hindi maisama sa 2027 National Expenditure Program ang ilang hinihinging alokasyon ng ahensya. Santi Celario