Home OPINION MAY KAUNTING GINHAWA MGA CONSUMER

MAY KAUNTING GINHAWA MGA CONSUMER

1
0

NANGYARI na rin. Nagpakita ng magandang panig ang Bureau of Internal Revenue at inalis ang value-added tax sa system loss charge na kasama sa bayarin sa kuryente ng bawat Pilipino.

Dahil man sa political will o political survival, natupad ang pangako ni Pangulong BBM sa kanyang huling State of the Nation Address (system loss ang sinabi niyang tanggalin, hindi VAT – Ed). Para rito, dapat ding bigyan ng kredito ang madalas batikusin na Pangulo.

Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026, na inilabas noong Setyembre 14, kinikilala ng BIR ang allowable system loss, hanggang sa limitasyong inaprubahan ng ERC, bilang government-mandated pass-through cost.

Ayon kay Commissioner Charlito Mendoza, hindi na ito itinuturing na bahagi ng gross sales, kaya hindi na rin dapat patawan ng VAT.

Dapat maramdaman ito ng mga consumer, kahit kaunti, kapag inayos na ng mga distribution utility ang billing. Sana, agad-agad!

Pero tandaan: sintomas lamang ang ginamot, hindi ang sakit. Nagbabayad pa rin tayo para sa kuryenteng nawawala sa transmission — kuryenteng hindi naman natin nagamit (Sorry naman. Atribida lang!- Ed).

Kaya heto ang bagong hamon kay Marcos Junior: Kung seryoso ang gobyerno mo sa “every peso counts,” siyasatin naman kung bakit ganito kalaki ang system loss sa simula pa lamang, at kung may iba pang pass-through charges na dapat busisiin.

Mas marami pa ang utang ninyo sa amin, Mr. President.

Problemang gaya ni Romualdez

Paano mo lulutasin ang isang problemang gaya ni dating Speaker Martin Romualdez?

Talaga bang inihahain siya ng Malacañang sa publiko para siya ang sumalo sa sisi sa lahat ng umano’y pangungulimbat sa pambansang badyet?

Habang nakatikim tayo ng kaunting ginhawa sa bill sa kuryente, mukhang walang ganoong comfort ang pinsan ni PBBM at sinasabing paboritong in-law ng First Lady Liza Araneta-Marcos.

Nasa New Quezon City Jail sa Payatas na ngayon si Martin, matapos ilipat noong Lunes ng gabi, kasunod ng clearance ng mga doktor ng Philippine General Hospital na maaari na siyang ikulong.

Kung paniniwalaan si DILG Secretary Jonvic Remulla, nasa infirmary ward siya kasama ang tatlong regular inmate — walang air-conditioning, exhaust fan lamang. Nakaiskedyul sa Setyembre 16 ang arraignment niya sa P7.44-bilyong kasong plunder.

Linawin natin: Karapatan ni Romualdez ang maayos na pangangalagang medikal — para sa kanya o sinomang nakakulong. Pero hindi dapat maging backdoor ang medical care para sa espesyal na trato. Hindi pa siya nahahatulan.

Sa korte ng opinyon ng publiko, ito ang People of the Philippines versus Romualdez — dahil ang perang umano’y nilustay ay galing mismo sa bulsa ng bawat Pilipino.

Ito ang basa ko: Hindi magpapakamatay sa politika ang mga Marcos para kay Romualdez. Sapat na marahil ang paglilinis ng pamilya sa kalat ng mga Romualdez.

At kahit malapit umano si Romualdez kay FLLAM, mas tataya ako sa instincts niya kaysa sentimentalidad. Masyadong matalas at istratehiko ang First Lady para hayaang ang loyalty sa isang tao ay maging banta sa pagkapangulo ni BBM.

Kung kailangan, bibitawan niya ito.

Hindi ito kalupitan.

Survival ito.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here