SA kabila ng paninindigan ng nina ex-Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno at ex-Associate Justice Adolf Azcuna na pinal at hindi pupwedeng pakialaman ng Supreme Court ang anomang desisyon ng Impeachment Court, may tiyak na pagkakataon pa ring baligtarin ang nasabing desisyon ng SC.
‘Yan ay kung may “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction” o “matinding pang-aabuso sa kapangyarihan o pagpapasya na katumbas ng kakulangan o labis na kapangyarihan o hurisdiksyon.
Hindi lang pupwedeng makialam ang SC sa purong “political question” na usapin at kung malinaw na naging patas ang desisyon ng Impeachment Court.
Malinaw na malinaw na ipinaliwanag ng mga Hukom na kabilang sa mga pinakamahalagang anyo ng “matinding pang-aabuso sa kapangyarihan o pagpapasya na katumbas ng kakulangan o labis na kapangyarihan o hurisdiksyon” ang pag-alis ng karapatan ng mga hukom na magsilbing huwes para sa patas na pagpapasya at paglabag sa karapatan sa due process ng respondent gaya ni Vice President Sara Duterte.
PAGPAPAKULONG, PRESSURE
Si Senator-Judge Pia Cayetano ang pangunahing naglabas ng pinakasampol ng “matinding pang-aabuso sa kapangyarihan o pagpapasya na katumbas ng kakulangan o labis na kapangyarihan o hurisdiksyon” na nagbubunga ng mga paglabag sa mga karapatan partikular ng mga SJ.
Inilahad nito ang mga pangyayaring doon nagaganap ang mga hakbang para mapagkaitan ang ilang SJ ng kanilang karapatang gumanap bilang huwes at binanggit nito ang kanyang sarili na dinadamay sa pressure sa pagtawag sa kanya ng National Bureau of Investigation na nagtatago o fugitive.
Isinama rin ni Pia ang iba pang SJ na nasa ilalim ng pressure para hindi makadalo sa paglilitis gaya nina SJ Ronald dela Rosa na nagtatago dahil sa hindi pa nakikitang warrant of arrest mula sa International Criminal Court, pagkakulong nina SJ Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada at iba pa.
Mayroon ding binanggit ukol dito si SJ Robinhood Padilla.
Tahasang inihayag lalo ng tatlong Hukom na dito na mawawalan ng bisa ang pasya ng Impeachment Court na guilty ang respondent.
MANANATILI ANG 2/3 NG LAHAT NG SENADOR
Lahat ng Hukom na amici curae ng Impeachment Court, kasama si ex-CJ Hilario Davide, ay nagsabing dapat sundin ang dalawang katlo o 2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado sa pagboto para sa deklarasyong guilty, ayon sa Article 11, Section 3(6) ng 1987 Constitution.
Gayunman, pupwedeng magbago ang bilang ng mga ito kung may namatay, nag-resign, pinatalsik sa pwesto ng Senado at iba pang pangyayaring ikahihiwalay at paghinto ng senador bilang miyembro ng Senado.
Si Azcuna ang naggiit ng pangangailangan sa mga normal na sitwasyon na dapat sundin ang 2/3 na katumbas ng 16 na boto para sa conviction o deklarasyong guilty.
Ayon sa kanya, hindi pupwedeng ihiwalay ang mga nakakulong na senador lalo’t wala pa silang pinal na desisyong sila’y guilty sa mga kasong kinahaharap nila.
Pahayag ni Azcuna, sinadyang ginawa ang 2/3 bilang pangontra sa mga maniobra o manipulasyon ng sinomang makapangyarihan para lang tanggalin o pinsalain sa pwesto ang mga kaaway nito sa pulitika o poder.
Ano kaya ang magiging desisyon ng mga SJ sa 2/3 ng kailangan para madeklarang guilty si VP Sara?






