CEBU CITY — Mahigit P1.19 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa isang 19-anyos na lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Labangon, Cebu City nitong Martes ng gabi, Setyembre 15.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas, naaresto ang suspek na alyas “Nicky” sa Tres de Abril Street pasado alas-7 ng gabi. Nakuha umano sa kanya ang pitong pakete ng hinihinalang shabu.
Makalipas ang halos isang oras, tatlo pang indibidwal ang inaresto sa hiwalay na operasyon sa Barangay Tisa kung saan isang umano’y drug den ang sinalakay ng PDEA-7 at Cebu City Police Office Station 10.
Kabilang sa mga naaresto ang 44-anyos na itinuturong maintainer ng drug den at dalawa umanong bisita. Nasamsam sa operasyon ang walong pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P108,800.
Sinabi ng PDEA-7 na sasampahan ang mga suspek ng kaukulang reklamo sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico