Home NATIONWIDE Paghahanda sa El Nino pinababadyetan ni Pangilinan sa NIA

Paghahanda sa El Nino pinababadyetan ni Pangilinan sa NIA

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na dapat tiyakin ng National Irrigation Administration (NIA) na nakapaloob sa 2027 budget nito ang paghahanda para sa patuloy na El Niño, partikular ang mga hakbang na titiyak sa suplay ng tubig para sa mga magsasaka at poprotekta sa produksyong pang-agrikultura sa gitna ng matagalang tagtuyot.

Bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, hiningan ng mambabatas ng paliwanag ang mga opisyal ng NIA sa panukalang 2027 budget nito na P46.36 bilyon, na 27% na mas mababa kaysa 2026 budget, sa budget deliberations nitong Huwebes, Setyembre 17.

Partikular na ikinabahala ni Pangilinan na ang pondo para sa irrigation systems ay tinapyasan ng 58% sa ilalim ng pinababang appropriations.

“Ilang buwan nang nagsasabi ang mga scientist sa PAGASA na dadating ang napakalakas na El Niño sa huling buwan ng 2026 hanggang sa unang anim na buwan ng 2027,” aniya.

“Kaya hindi ngayon ang panahon para magtipid sa kanal, pumps, reservoir, communal irrigation, at pagkukumpuni ng irrigation systems. Walang accomplishment kung walang tubig na umaabot sa sakahan. At walang infrastructure kung hanggang papel lang ang proyekto. Lalong-lalo na sa panahon ng El Niño,” dagdag pa niya.

Bilang food security czar ng bansa mula 2014 hanggang 2015, pinangasiwaan ni Pangilinan ang NIA at iba pang ahensyang may kinalaman sa food security. Sa kanyang panunungkulan, sinikap niyang matiyak na sapat ang paghahanda ng sektor ng agrikultura, kabilang ang irrigators’ associations, para sa isa sa pinakamahabang El Niño episodes na tumama sa bansa.

Sinabi rin ng senador na dapat isama ng NIA ang mga probisyon para sa mga magsasakang naapektuhan ng “unprecedented flooding” sa Central Luzon, Northern Luzon, at Southern Luzon nitong mga nakaraang buwan, bunsod ng pinalakas na hanging habagat at mga bagyo.

Plano rin niyang kalampagin ang mga ahensya ng gobyerno sa implementasyon ng full public transparency portal na siniguro niya bilang special provision sa national budget noong nakaraang taon. Layon ng portal na palakasin ang transparency at accountability sa pamamagitan ng pagbibigay ng geotagged project information, government contracts at procurement documents, independent quality-testing results, at publicly accessible dashboard.

“Huwag nating hintayin na tamaan tayo ng El Niño bago tayo kumilos. Ayusin natin ang irigasyon ngayon. Siguraduhin nating napupunta ang pondo sa magsasaka ngayon. At tiyakin nating bawat proyektong ipinapangako ng gobyerno ay aktuwal na gumagana sa bukid ngayon,” diin ni Pangilinan.

“Gastusin ang budget nang may malinaw na resulta, malinaw na pananagutan, at tunay na pakinabang para sa magsasaka.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here