Home NATIONWIDE Mga crew, pasahero ng sumadsad na RoRo sa Mindoro nailikas ng PCG

Mga crew, pasahero ng sumadsad na RoRo sa Mindoro nailikas ng PCG

1
0

MANILA, Philippines – Ligtas na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero at crew matapos sumadsad ang MV RoRo Master 5, 30 metro mula sa baybayin ng Barangay Udalo, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, madaling araw ngayong Setyembre 17, 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, ang 779-gross-ton RoRo passenger vessel ay bumibiyahe mula Port of Batangas patungong Port of Abra de Ilog sa Occidental Mindoro nang mangyari ang insidente dakong 12:45 ng madaing araw.

“Agad na nagtungo ang aming mga tauhan sa lugar ng insidente at sumampa sa barko para tulungan ang mga pasahero at crew. Gumamit ng apat na life raft at lifeline na nakakonekta papuntang baybayin para ligtas na mailipat ang lahat mula sa sumadsad na barko,” ani Commodore Cayabyab.

Alas-6 ng umaga, nailipat ang lahat ng pasahero sa Port of Abra de Ilog, sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Orange Navigation Inc.

“Sa paunang pagtatasa, mabatong seabed ang nakita, at walang marine protected area sa paligid. Walang naobserbahang oil spill sa karagatan, at walang pagpasok ng tubig sa loob ng barko,” dagdag ng PCG Spokesperson.

Ibinahagi ni Commodore Cayabyab na sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng gyrocompass failure ang barko, na naging dahilan ng paglihis nito sa tamang ruta at pagsadsad.

“Patuloy pa ring bineberipika ng PCG ang kabuuang bilang ng mga pasahero, crew, at rolling cargo na sakay ng barko. Ilalabas namin ang opisyal na bilang kapag natapos na ang imbestigasyon at beripikasyon,” aniya.

Ayon sa Orange Navigation Inc., humiling na ng tugboat mula sa Cedar Company para tumulong sa pag-angat muli ng barko. Nakipag-ugnayan din ang Coast Guard District Southern Tagalog sa PCG Command Center para sa karagdagang assets, habang nag-deploy naman ang Coast Guard Station Batangas ng floating assets para suportahan ang operasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here