Home NATIONWIDE Macalintal kay Marcos: I-veto 5-year term ng barangay, SK officials

Macalintal kay Marcos: I-veto 5-year term ng barangay, SK officials

2
0

MANILA, Philippines — Hiniling ni election lawyer Romulo Macalintal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang magtatakda ng limang taong termino para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials at maglilipat ng susunod na halalan sa 2028.

Sa liham kay Marcos, iginiit ni Macalintal na ang pagpapaliban ng halalan at pagpapahaba sa termino ng mga kasalukuyang opisyal sa pamamagitan ng batas ay maaaring lumabag sa karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga lider. Hiniling din niya ang pagkakataong maipaliwanag nang personal sa Pangulo at sa mga legal adviser nito ang kanyang posisyon.

Kinuwestiyon din ni Macalintal ang mga dahilang inihain para sa pagpapalawig ng termino at iginiit na handa ang Commission on Elections na idaos ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon sa abogado, kung layunin lamang na baguhin ang haba ng termino, maaari itong ipatupad sa mga opisyal na ihahalal sa susunod na BSKE sa halip na pahabain ang panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal.

Nauna nang inaprubahan ng Kamara noong Setyembre 8 ang House Bill No. 10971 sa botong 211-13, habang isa ang nag-abstain. Itinatakda ng panukala ang limang taong termino at inililipat sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 ang susunod na BSKE.

Inaprubahan naman ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang sarili nitong bersyon, Senate Bill No. 2387, sa botong 13-5.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na may karapatan ang sinuman na magpahayag ng kanilang posisyon hinggil sa panukala, habang wala pang inilalabas na tugon ang Malacañang sa apela ni Macalintal nang maiulat ang usapin. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here