MANILA, Philippines — Nag-iisa na lamang umanong dumadalo sa mga pagdinig sa Quezon City Regional Trial Court si Charlene Lasco, kapatid ng nawawalang e-sabong master agent na si Ricardo “Jonjon” Lasco Jr., habang nagpapatuloy ang mga kaso kaugnay ng missing sabungeros.
Sa isang ulat, sinabi ni Lasco na hindi na niya makontak ang ilan sa mga pamilyang dati niyang kasamang naghahanap ng hustisya para sa kanilang nawawalang kaanak.
Ayon kay Lasco, nakarinig siya ng mga alegasyong nabayaran umano ang ilang pamilya upang hindi na ipagpatuloy ang kanilang pakikilahok sa kaso. Sinabi rin niyang may nag-alok umano sa kanya upang iwan ang kaso, ngunit tinanggihan niya ito.
Nawala si Jonjon Lasco matapos umano siyang dukutin sa San Pablo City, Laguna noong Agosto 2021. Isa siya sa mga kasong kaugnay ng missing sabungeros na kalaunan ay inilipat sa mga korte sa Quezon City alinsunod sa resolusyon ng Supreme Court.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police na wala itong natatanggap na pormal na komunikasyon o “feelers” mula kay businessman Charlie “Atong” Ang o kanyang mga kinatawan kaugnay ng posibleng pagsuko.
May mga nakabinbing warrant of arrest laban kay Ang kaugnay ng mga kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention sa pagkawala ng mga sabungero. Santi Celario