MANILA, Philippines — Mahigit 1.2 tonelada ng pork at chicken products na umano’y hindi maayos ang handling at inspeksyon ang kinumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa Blumentritt Market nitong Biyernes, Setyembre 18.
Umabot sa 1,217.66 kilo ang nakumpiska, kabilang ang 777.8 kilo ng manok at 439.86 kilo ng baboy, ayon kay NMIS Officer-in-Charge Executive Director Dr. Fernando Lontoc.
Kabilang sa nakita ng mga awtoridad ang frozen pork na hindi umano napanatili sa tamang temperatura at mga “chicken galantina” o undressed chicken na hindi dumaan sa kumpletong inspeksyon. May mga karne rin umanong nakaimbak sa hindi angkop at maruming lugar.
Ayon sa NMIS, kailangang mapanatili sa freezer ang frozen meat at ang mga produktong ibinebenta ay dapat dumaan sa tamang meat inspection. Ang Meat Inspection Certificate ay patunay na ang karne ay nakitang ligtas at angkop para sa konsumo sa oras ng inspeksyon.
Dadalhin sa accredited rendering facilities ang mga nakumpiskang produkto para sirain.
Babala muna ang ibinigay sa mga first-time violator, ngunit ayon sa NMIS, maaaring maharap ang repeat offenders sa multa at pagkakakulong alinsunod sa umiiral na batas.
Sinabi naman ng ilang vendor na matagal na nilang nakasanayan ang naturang paraan ng paghahanda ng manok at mayroon silang local permits.
Nakikipag-ugnayan na ang NMIS sa Manila city government upang mapahusay ang meat inspection at magkaroon ng pasilidad para sa wastong poultry dressing. RNT