MANILA, Philippines — Nasa 14.1% ng currently married women na edad 15 hanggang 49 ang gumagamit pa rin ng traditional family planning methods gaya ng withdrawal at calendar method noong 2025, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bumaba ito mula sa 16.5% na naitala noong 2022, batay sa 2025 National Demographic and Health Survey. Samantala, tumaas sa 44.5% ang gumagamit ng modern contraceptive methods mula 41.8% noong 2022.
Sinabi ng Commission on Population and Development (CPD) na patuloy nitong tinututukan ang paggamit ng traditional methods dahil sa mas mataas na posibilidad ng unintended pregnancy kumpara sa modern contraceptive methods.
Kabilang sa mga hamong tinukoy ng ahensya ang mga maling paniniwala tungkol sa contraception, gaya ng umano’y pagdudulot ng cancer ng contraceptive pills at paniniwalang katumbas ng castration ang vasectomy.
Nakikipagtulungan ang CPD sa mga local government unit, health workers at population officers upang palawakin ang access sa tamang impormasyon at family planning services, partikular sa geographically isolated at disadvantaged areas.
Batay rin sa PSA, pinakamataas ang unmet need for family planning sa currently married women na walang formal education at kabilang sa pinakamahihirap na household.
Nakatakda ring ilunsad ng CPD ang Project Laya, na layong palawakin ang access sa reproductive health at family planning information at serbisyo. RNT