SYDNEY, Australia — Nagdeklara ang Fiji ng national HIV crisis kasunod ng matinding pagtaas ng HIV infections sa bansa, habang pinalalawak ng pamahalaan ang testing, prevention at treatment services.
Ayon sa Fiji Ministry of Health, umabot sa 2,016 bagong HIV diagnoses noong 2025, pinakamataas na taunang bilang na naitala sa bansa at 27% na mas mataas kumpara sa 1,583 kaso noong 2024.
Sinabi ni Fiji Health Minister Atonio Lalabalavu na kailangan ng agarang at koordinadong tugon ng buong pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng virus.
Tinataya ng UNAIDS na nasa 9,100 katao sa Fiji ang nabubuhay na may HIV noong 2025. Sa bilang na ito, 39% lamang ang nakaaalam ng kanilang HIV status habang 22% ang nakatatanggap ng antiretroviral treatment.
Sa mga kasong may natukoy na paraan ng transmission, mahigit kalahati ang nauugnay sa sexual transmission habang higit 42% naman ang konektado sa injecting drug use, ayon sa UNAIDS.
Bilang tugon, palalawakin ng Fiji ang libreng HIV testing, access sa preventive medicines gaya ng PrEP, harm-reduction programs para sa mga taong gumagamit ng injectable drugs, at libreng treatment para sa mga na-diagnose ng HIV.
Plano rin ng pamahalaan na magpatupad ng needle and syringe program, habang pinalalakas ang community-based services at kampanya laban sa stigma at discrimination.
Binigyang-diin ng UNAIDS na hindi naipapasa ang HIV sa ordinaryong pakikisalamuha, at ang mga taong nasa epektibong treatment na may undetectable viral load ay hindi nakapapasa ng HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik. RNT