MANILA, Philippines – Inihayag ni Sen. Robin Padilla nitong Biyernes na wala na siyang planong tumakbo sa 2028 elections.
Ayon kay Padilla sa kanyang Facebook page, nais niyang ituon ang panahon sa kanyang mga anak at magkaroon ng tahimik na buhay.
“Wala na po akong planong tumakbo sa pulitika. Maliliit pa ang aking mga anak, at isang tahimik na buhay-Islami ang aking pinapangarap at minimithi,” ani Padilla.
Nagpasalamat din siya sa mga kaibigang humihikayat sa kanyang manatili sa pulitika, ngunit sinabi niyang hindi siya nababagay sa mundo ng politika.
“Maraming salamat po sa napakaraming kaibigan na nagtutulak sa aking pananatili sa pulitika, pero halata naman po na hindi ako nababagay sa mundong ito,” dagdag niya.
Samantala, ilang personalidad ang binanggit ni Padilla bilang maaari niyang maging running mate ni Vice President Sara Duterte, kabilang sina Senators Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Bong Go, Ronald dela Rosa at Rodante Marcoleta, pati si Atty. Salvador Panelo.
Si Padilla ay nanguna sa ilang pre-election surveys para sa mga kandidatong nais ng publiko bilang vice president at senador. RNT/MDS







