MANILA, Philippines – Karaniwang tumataas ang kaso ng leptospirosis ilang linggo matapos ang malalakas na ulan at pagbaha, ayon sa mga pag-aaral.
Ayon sa isang pag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkalat ng sakit ang pagbaha. Noong 2009, umabot sa 2,089 ang kaso at 162 ang nasawi matapos ang pagbaha dulot ng Typhoon Ondoy.
Natuklasan naman ng mga researcher mula University of the Philippines Diliman at Philippine Genome Center na may Leptospira bacteria sa lahat ng sinuring bahagi ng Estero de Paco sa Maynila.
Ayon sa DOH, umabot na sa 8,317 ang kaso ng leptospirosis mula Jan. 1 hanggang Sept. 5 ngayong taon, kung saan 457 ang nasawi.
Ang leptospirosis ay nakukuha sa contact sa tubig, lupa o materyal na kontaminado ng ihi ng infected na hayop, partikular ng daga. Maaari itong makapasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat o mucous membranes. RNT/MDS