MANILA, Philippines – Itatayo ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang kauna-unahang laboratoryo sa Pilipinas para sa sex-sorting ng semilya ng iba’t ibang uri ng hayop sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Unang susuportahan ng pasilidad ang lokal na produksyon ng sex-sorted buffalo semen upang maparami ang babaeng guya at mapalawak ang dairy herd sa bansa. Layunin din nitong mabawasan ang pag-asa sa imported na sexed semen at gawing mas abot-kamay ang teknolohiya para sa mga magsasaka.
Dinisenyo ang laboratoryo para magamit din sa hinaharap sa baka, kambing at iba pang livestock, depende sa pangangailangan ng industriya.
Bahagi ito ng Buffalo Semen Sexing Project ng DA-PCC na ipatutupad mula 2025 hanggang 2028 sa ilalim ng Intensified Community-Based Dairy Enterprise Development Project na pinondohan ng PL480.
Gagamit ang laboratoryo ng modified flow cytometry para paghiwalayin ang sperm cells batay sa kanilang sex chromosomes. Maaari itong makagawa ng semilyang higit 90% ang posibilidad na babae, na nagpapataas ng tsansang magkaroon ng babaeng guya sa artificial insemination.
Mahalaga ang babaeng guya sa dairy production dahil maaari silang maging pamalit na hayop at kalaunan ay bahagi ng kawan para sa paggatas at pagpaparami.
Ayon sa DA-PCC, makatutulong din ang lokal na produksyon sa paggamit ng elite buffalo genetics na nasubok at iniangkop sa kondisyon ng Pilipinas, habang binabawasan ang mga gastos at panganib na kaugnay ng pag-aangkat ng semilya. SANTI CELARIO