MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Land Transportation Office (LTO) ang lifetime ban sa pagkuha o muling pagkuha ng driver’s license ng isang GSM Taxi driver na inirereklamo dahil sa umano’y pagsasamantala sa isang pasahero sa Parañaque City noong Setyembre 12, 2026.
Agad na nag-imbestiga ang LTO at nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) matapos matanggap ang reklamo. Ayon sa biktima, nakatulog siya habang nasa biyahe at hindi naibaba sa itinakdang drop-off point. Sa halip, ibinaba umano siya sa ibang lugar kung saan naganap ang insidente.
Ginamit ng LTO ang CCTV footage at booking details ng pasahero upang matukoy ang driver.
Inatasan ang driver at rehistradong may-ari o operator ng taxi na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Setyembre 24 para sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang salaysay at iba pang dokumento.
Nasa alarm status na ang GSM Taxi at driver’s license ng driver. Isinailalim din ang kanyang lisensya sa 90 araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Maaaring managot ang driver sa Improper Person to Operate a Motor Vehicle, habang maaari ring managot ang operator sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01 kung mapatutunayang may paglabag sa franchise conditions at iba pang regulasyon.
“Hindi titigil ang LTO sa pag-aksyon laban sa mga driver na nagtatangkang magsamantala sa kanilang mga pasahero. Hindi ito ang inaasahan natin sa isang driver na pinagkakatiwalaang maghatid ng pasahero nang ligtas. Kung mapatutunayang may pananagutan, inirerekomenda natin na hindi na siya muling mabigyan ng pagkakataong makapagmaneho,” pahayag ni Asec. Markus V. Lacanilao.
Hinimok ng LTO ang publiko na i-report agad ang anumang paglabag, pagsasamantala o karahasang nararanasan o nasasaksihan sa mga pampublikong sasakyan. RNT/MDS