CEBU, Philippines – Umabot lamang sa 21.2 porsiyento ang accomplishment rate ng Cebu Provincial Health Office (CPHO) sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) ngayong taon.
Malaking pagbaba ito kumpara sa tinatayang 90 porsiyentong coverage noong nakaraang campaign noong 2023.
Isinagawa ang vaccination campaign mula Agosto 10 hanggang Setyembre 4 matapos palawigin ng isang linggo. Target nito ang mga batang edad anim na buwan hanggang 59 buwan, kabilang ang pagbibigay ng Vitamin A.
Ayon kina CPHO National Immunization Program coordinators Dr. Mario Joyag Jr. at nurse Lorraine Gemperoso, kabilang sa mga dahilan ng mababang turnout ang vaccine misinformation at pag-aalinlangan ng ilang magulang.
Sinabi ni Gemperoso na may ilang LGU na nasa 10 porsiyento lamang ang accomplishment, habang umabot naman sa 55 porsiyento ang pinakamataas. Isasailalim pa sa validation ng Department of Health ang final figures.
Nagbabala si Joyag na maaaring maging vulnerable sa measles ang mga batang mababa ang vaccination coverage. Maaari itong magdulot ng seryosong komplikasyon gaya ng pneumonia, lalo na sa maliliit na bata.
Para tugunan ang vaccine hesitancy, palalakasin ng CPHO ang community engagement at information campaigns. Patuloy ding sasanayin ang health workers at barangay health workers sa pakikipag-usap sa mga magulang at pagtugon sa maling impormasyon tungkol sa bakuna. RNT/MDS