QUEZON CITY, Philippines – Dalawang babae ang tinutukan ng kutsilyo at ninakawan ng cellphone ng dalawang lalaki sa Barangay Balingasa, Quezon City.
Ayon sa ulat, makikita sa CCTV ang mga biktimang nakaupo sa labas ng isang tindahan bandang alas-2 ng madaling araw noong Huwebes nang lapitan sila ng mga suspek.
Kinuha ng mga lalaki ang cellphone ng dalawang babae at kapwa tinakot gamit ang kutsilyo. Maging ang isa sa mga biktima ay hinalughog ng isang suspek bago sila tumakas.
Sumakay ang dalawang suspek sa isang motorsiklo na minamaneho ng isa pa nilang kasamahan.
Ayon kay Quezon City Police District spokesperson Police Major Jennifer Gannaban, nagkataon lamang umanong nakita ng mga suspek ang dalawang babae na nasa labas para magpahangin.
“According sa report, meron nga pong dalang kutsilyo itong mga suspect kaya nakuha po nila yung dalawang cellphone,” ani Gannaban.
Nabakas ng pulisya ang galaw ng mga suspek matapos ang insidente. Nakatanggap din sila ng impormasyon na ibinebenta umano ang mga ninakaw na cellphone.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Batay sa paunang imbestigasyon, hindi sila residente ng Quezon City. RNT/MDS