CAVITE, Philippines – Patay ang isang 57-anyos na lalaki habang sugatan ang 22-anyos na estudyante matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Naic-Indang Road, Brgy. Calumpang Cerca, Indang, Cavite.
Ayon sa Indang Municipal Police Station, dakong alas-6:10 ng gabi nang mangyari ang aksidente. Patungong Naic ang 57-anyos na rider nang umano’y mag-overtake at lumipat sa kabilang bahagi ng kalsada.
Hindi umano nito nakita ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Francis, 22, isang estudyante mula Tanza, na patungong Indang town proper.
Kapwa nagtamo ng mga pinsala ang dalawang rider dahil sa lakas ng banggaan. Agad silang isinugod sa magkahiwalay na pagamutan sa tulong ng Indang MDRRMO at barangay patrol.
Gayunman, idineklarang patay sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang 57-anyos na rider dahil sa tinamong mga pinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pag-backtrack sa CCTV footage para matukoy ang iba pang detalye ng aksidente. MARGIE BAUTISTA