Home NATIONWIDE Suspensyon sa fuel excise tax, umani ng suporta kay Lapid: ‘Napapanahon na’

Suspensyon sa fuel excise tax, umani ng suporta kay Lapid: ‘Napapanahon na’

2
0

MANILA, Philippines – Umani ng suporta kay Senador Lito Lapid ang panawagan ng Kongreso at pribadong sektor na isuspinde ang paniningil sa excise tax sa produktong petrolyo matapos muling sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Sa pahayag, sinabi ni Lapid na labis na apektado ang kabuhayan ng mga manggagawa sa industriya ng turismo at magsasaka sa Baguio City dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Dahil dito, iminungkahi ni Lapid kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ikunsidera ang rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na ipatupad ang mga hakbangin sa ilalim ng Republic Act No. 12316, o ang pansamantalang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Si Lapid ay isa sa co-author ng R.A. 12316 na nagtatakda ng mga hakbangin sa suspensyon ng fuel excise tax. Sa bisa ng nasabing batas, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na suspindihin o babaan ang fuel excise tax sakaling umabot sa $80 kada bariles ang buwanang karaniwang presyo (average price) ng Dubai crude oil.

Batay sa pinakahuling datos ng DOE, tinukoy ni Lapid na pumalo na sa average na $99.41 kada bariles ang presyo nito mula noong Agosto 13 hanggang Setyembre 11, 2026.

“Napapanahon po na suspendihin ng Pangulo ang excise tax sa mga produktong petrolyo dahil malaki ang maitutulong nito para sa kabuhayan ng ating mga kababayan,” ayon kay Lapid.

Ginawa ng senador ang pahayag na ito matapos ang kanyang muling pagbisita at paghahatid ng tulong sa humigit-kumulang sa isang libong manggagawa sa Pinewoods at Camp John Hay Country Club, kabilang na ang pony boys, taho, balut, at chicharon vendors, market vendors, security guards, waiters, maintenance crew, at restaurant staff.

Ayon kay Lapid, bagamat maliit na tulong lamang mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanyang naibahagi, tiyak na makatutulong ito bilang pantawid sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Samantala, ayon kay Baguio City Councilor Edison Bilog na hindi lamang food packs ang inihatid ng senador kundi maging ang ilang mahahalagang proyekto na ipinagagawa ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa pamumuno ni Chief Operating Officer Mark Lapid.

Nagpasalamat din si Arnel Cayatoc, Pangulo ng Pony Boys Association sa Baguio, sa mag-amang Lapid dahil sa kanilang patuloy na malasakit at malaking tulong sa mga mahihirap na residente ng Benguet. Lubos namang nagpasalamat ang mga benepisyaryo sa napapanahong ayuda. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here