Home NATIONWIDE Paglalantad sa pangalan ng lahat ng benepisaryo ng DAR, iginiit sa Senado

Paglalantad sa pangalan ng lahat ng benepisaryo ng DAR, iginiit sa Senado

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Agrarian Reform (DAR) na tiyakin ang buong transparency sa pagtukoy at pamamahagi sa mga agrarian reform beneficiaries, at sinabing dapat magkasabay ang public accountability at responsibilidad ng gobyerno na bigyang-lakas ang mga magsasakang Pilipino.

Pinangunahan ng mambabatas, na siyang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang budget deliberation para sa DAR.

“Sa panahon din ng matinding panawagan para sa pananagutan, iginigiit din natin na bawat pasilidad, negosyo, at benepisyaryo na suportado ng DAR ay madaling ma-verify: ma-geotag, bukas sa publiko ang mga kontrata at impormasyon, dumaan din sa independent inspection, at napapatunayang aktuwal at umiiral at gumagana,” aniya sa kanyang opening statement.

“Hindi kikilalanin ang climate shocks, ika nga, ang katiwalian, kapabayaan, o mabagal na burukrasya. Hindi rin mapapalitan ng imports ang matatag at matibay at maganda ang output at productivity ng magsasakang Pilipino,” dagdag pa niya.

Sinabi ng senador na igigiit niya sa mga ahensya ng gobyerno ang implementasyon ng full public transparency portal na kanyang isiningit bilang special provision para sa agriculture-related agencies sa national budget noong nakaraang taon.

Layon ng portal na palakasin ang transparency at accountability sa pamamagitan ng pagbibigay ng geotagged project information, government contracts at procurement documents, independent quality-testing results, at publicly accessible dashboard.

“Kaya dapat malinaw ang paninindigan ng panukalang 2027 budget ng DAR: bawat piso ay dapat may pakinabang, may resulta, at may pananagutan,” giit ni Pangilinan.

“Dapat nitong tiyakin ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa, palakasin ang mga agrarian reform beneficiaries, at protektahan ang lokal na food production — lalo na ang nagbabadyang pagpapalakas — sabi nga nila, the worst ever — El Niño,” diin niya.

Sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), mandato ng DAR na ipamahagi ang pampubliko at pribadong lupang pang-agrikultura sa mga magsasakang walang lupa at farmworkers, magbigay ng libreng legal assistance sa agrarian reform beneficiaries, at maghatid ng mahahalagang suporta gaya ng imprastraktura, irigasyon, at credit assistance.

Saklaw din ng programa ang leasehold operations, pagresolba at pag-adjudicate ng agrarian disputes, at pagsusulong ng rural enterprise development, farmers’ organizations, at technical training para palakasin ang kabuhayan at produktibidad ng agrarian reform beneficiaries.

Sa panukalang 2027 budget, humihingi ang DAR ng P14.69 bilyon na appropriations, 13% na mas mababa kumpara sa alokasyon nito sa 2026 General Appropriations Act (GAA).

Maglalaan ang panukalang budget ng P5.9 bilyon para sa Agrarian Reform Beneficiary Development and Sustainability, kabilang ang P949 milyon para sa climate-resilient farm productivity support.

Sinabi ni Pangilinan na dapat tiyakin ng DAR na naaabot ng programa ang benepisyong dapat nitong maihatid sa mga magsasaka.

“Tama ang direksyon. Subalit sapat ba ang mga pondong ito? Maganda ang pangalan ng programa, kailangan malinaw kung ano ang aktuwal na maihahatid ng climate-resilient farm productivity support para sa mga agrarian reform beneficiaries,” dagdag ng senador.

“At ang resultang inaasahan natin, tunay na pag-unlad ng ating mga sakahan. Mas produktibo, mas matatag, at mas kumikita.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here