Bulacan – Arestado ang isang babae na umanoy nambudol ng magsasaka sa hot pursuit operation ng pulisya sa DRT Highway, Brgy. Pinagbarilan, Baliwag nitong hapon ng Setyembre 19.
Sa ulat ni PLTCOL Eisbon Llamasares, chief of police ng Baliwag City police station, kinilala ang suspek na si alyas “Ana”, residente ng Brgy. Malabañas, Angeles City, Pampanga.
Ayon sa salaysay ng biktima, naglalakad ito patungo sa kanyang sakahan nang huminto sa kanyang tabi ang Honda CR-V hanggang sa lapitan siya ng mga suspek.
Nabatid na nagpanggap na kilala nila ang kanyang kapatid at nagsabing magbibigay sila ng US$200 bilang sorpresa.
Dahil dito, hiniling ng mga suspek sa biktima na ilabas ang kanyang dalang pera na nagkakahalagang P30,000 na umanoy pagsasamahin sa kanilang dolyares bilang “good-luck charm.”
Nang maibigay ang pera ng biktima ay pinatalikod ito para ilagay sa kanyang bulsa ang pinagsamang pera subalit nadiskubre niyang bundle lamang ng papel kalaunan.
Agad humingi ng saklolo ang biktima sa istasyon na nagsagawa ng hot pursuit operation kaya naaresto si alyas Ana habang patuloy na tinutugis ang kasabwat na si alyas Mar.
Patuloy ang imbestigasyon at kaukulang dokumentasyon ng istasyon para sa pagsasampa ng nararapat nareklamo laban sa nga suspek.
Sinabi naman ni PCOL Jay Baybayan Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, patuloy nilang paiigtingin ang mabilis na pagtugon sa mga insidente ng krimen at mapanagot ang mga indibiduwal na lumabag sa batas. Dick Mirasol III