Home NATIONWIDE P30B matitipid sa pagpapaliban ng BSKE – Kamara

P30B matitipid sa pagpapaliban ng BSKE – Kamara

1
0

Manila, Philippines – Makatitipid diumano ng P30 bilyon ang pamahalaan sa pansamantalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).

Sinabi ni House Deputy Speaker Janette Garin na hindi lamang makatitipid ang gobyerno sa pagpapalawig ng termino ng mga lokal na opisyal kungdi magbibigay daan din ito upang magkaroon ng sapat na panahon ang Kongreso na repasuhin ang posibleng reporma sa BSKE.

Sa ngayon, ayon kay Garin ay pasado na ang panukalang pagpapaliban sa BSKE sa dalawang sangay ng Kongreso at sa halip na ngayong Nobyembre gawin ang halalan ay gaganapin na ito sa November 2028.

“Itong hakbang na ito ay makaka-save ang gobyerno ng approximately P30 billion direct cost at magagamit ito sa pagtugon ng mga problema ngayon dala ng sakuna,” ayon kay Garin sa ginanap na News Forum sa Quezon City.

Sinundan lamang ng kamara ang bersyon ng Senate Bill No. 2387 noong September 16 matapos na suportahan ito ng 13 senado kontra lima at simula sa Nobyembre 2028 ay limang taon na ang termino ng barangay at SK officials at pinapayagan din ang mga ito na makatakbo ng dalawang termino.

“So kung ikaw ay nasa second term mo, last term mo na ’yan. Kapag ikaw ay nasa third term mo, eh last term mo na rin ’yan. Moving forward, two terms, five years each term.”

Aminado rin ang kongresista na hati ang opinyon ng publiko sa pagpapalawig ng termino ng mga lokal na opisyal dahil marami rin aniya sa mga botante ang dismayado sa pagtupad ng tungkulin ng mga barangay officials.

“Wala ito doon sa panukalang batas, pero ramdam na ramdam namin at rinig na rinig namin ang mga reklamo at problema ukol sa Sangguniang Kabataan.”

Magkagayunman, hindi naman aniya lahat ng mga SK officials ay pabaya at tiwali sa paggamit ng pondo at meron rin aniyang mga reklamo ukol sa pagpeke sa mga lagda ng SK treasurers at mga tseke bagama’t walang binanggit na pangalan o lugar ang mambabatas.

“So ’yung extension from four to five years will also be a breathing space para ma-review ng mga may intensyon at nananawagan sa posibilidad na magkaroon ng pag-amenda doon sa SK, or doon naman sa total abolition ng Sangguniang Kabataan.”

Isa aniya sa posibleng pag-aralan ay ang pagpapanatili ng representasyon ng kabataan sa barangay at alisin na ang dating porma ng SK.

“Kasi pwede naman magkaroon ng youth representative ’yung ating barangay kagawad. Wala ’yun sa batas. Pero meron tayong mga kongresista na tinitingnan at pag-aaralan ’yun para naman ’yung gastusin doon ay mapunta na lamang doon sa mga pangangailangan ng barangay.” Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here