MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) sa kawalan ng route rationalization sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa kanyang pagdalo sa ginanap na budget hearing ng ahensiya, sinabi ni Gatchalian na kailangan magkaroon ang DOTr ng malinaw at strategic na roadmap sa pagpapatupad ng PUVMP
Aniya, dapat tiyaking kumpleto muna ang mga pangunahing hakbang tulad ng route rationalization upang maging matagumpay at masulit ang programa sa pangmatagalan.
Sa naturang pagdinig sa panukalang 2027 budget ng DOTr at attached agencies nito, nagpahayag ng pagkabahala si Gatchalian sa mabagal na pagkumpleto ng route rationalization studies na sinimulan pa noong nakaraang administrasyon ngunit hindi pa rin tapos hanggang ngayon.
Iminungkahi ni Gatchalian na unahin muna ang mga highly urbanized areas kung saan pinakamataas ang pangangailangan sa transportasyon at mas matindi ang traffic congestion.
“Kailangan strategic tayo sa approach natin. Sayang naman ang programang ito,” ani Gatchalian.
“Allocate tayo nang allocate ng pera tapos hindi naman natatapos ‘yung proyekto. Naabutan na tayo ng mataas na presyo ng langis. Mahihirapan na silang magbayad ng amortization nila,” dagdag niya.
Sa ngayon, nasa P891 milyon pa ang equity subsidies na hindi pa naipamamahagi.
Sang-ayon naman si Transportation Secretary Giovannie Lopez kay Gatchalian at sinabing maaari ngang mas mahirapan ang mga operator at driver na bayaran ang kanilang amortization dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang ituloy ang PUV modernization program. Ernie Reyes