MANILA, Philippines – Nanawagan ang Victory Liner sa national government na alisin ang suspensyon sa pagpapatupad ng fare hike dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at iba pang gastusin.
Inaprubahan ng LTFRB noong Marso ang provisional fare increase para sa mga jeepney, bus, taxi at ride-hailing services, ngunit iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon nito bago pa maipatupad dahil sa tensyon sa Middle East.
Ayon sa Victory Liner, hindi sila humihingi ng ayuda kundi makatuwirang pamasahe na “will keep public transport moving.” Umaabot umano sa 45% hanggang 60% ng kanilang operating costs ang fuel.
Babala ng kumpanya, kung hindi kakayanin ng mga operator ang gastusin, maaaring mabawasan ang mga bus at biyahe, humaba ang oras ng paghihintay ng mga pasahero at maapektuhan ang kabuhayan ng mga driver, conductor, mechanic at iba pang empleyado.
Iginiit din ng Victory Liner na hindi ito banta na ihihinto ang operasyon kundi abiso na maaaring maapektuhan ang kanilang serbisyo.
Sinabi ng kumpanya na hindi tulad ng airlines at sea transport, hindi basta makapagpataw ng fuel surcharge ang provincial at city buses dahil regulated ang kanilang pamasahe. Dagdag pa rito ang gastos sa maintenance, modernization loans, toll fees, buwis sa fuel at nakabinbing wage increase.
Nakikiisa sa panawagan ang Provincial Bus Operators Associations of the Philippines, Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigan Bus sa Pilipinas, Southern Luzon Bus Operator Association at Mega Manila Consortium. RNT/MDS