MANILA, Philippines — Apat na Pilipino na hinihinalang biktima ng human trafficking ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 18 at 19.
Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), isinailalim sa masusing beripikasyon ang apat matapos i-refer ng mga immigration officer sa secondary inspection dahil sa hindi tugmang impormasyon sa kanilang biyahe.
Noong Setyembre 18, tatlong lalaki na kinilalang sina “Aldo,” 30; “Nery,” 41; at “Baby,” 38, ang magkakasamang bumiyahe at idineklarang sa Thailand ang kanilang destinasyon.
Sa secondary inspection, isiniwalat umano ni Aldo na Russia ang tunay niyang destinasyon. Aniya, na-recruit siya sa pamamagitan ng isang Facebook post para magtrabaho bilang security personnel kapalit ng P70,000 buwanang sahod.
Samantala, sinabi umano ni Nery na isang hindi nakilalang indibidwal sa Bangkok ang nag-recruit sa kanya, habang sinabi naman ni Baby na isang “Alexander” ang umano’y sumagot sa kanyang biyahe.
Kinabukasan, Setyembre 19, isa pang pasahero na kinilalang “King,” 34, ang nasawata ng I-PROBES. Bumiyahe siya sakay ng Philippine Airlines at idineklarang Vietnam ang kanyang destinasyon.
Sa isinagawang beripikasyon, sinabi umano ni King na sa Russia ang tunay niyang pupuntahan at na-recruit siya para sa military service doon.
Ayon sa kanya, inalok siya ng P150,000 buwanang sahod, Russian citizenship makalipas ang isang taon, at karagdagang bonus kapag nakumpleto ang isang “special mission.” Nakumpiska rin umano mula sa kanya ang isang nakatagong Russian visa.
Sinabi rin umano ni King na wala siyang inilabas na pera para sa kanyang biyahe.
Itinuring ng BI ang apat bilang mga potensyal na biktima ng human trafficking at agad silang ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang assessment, imbestigasyon at kaukulang tulong.
Ayon sa BI, bahagi ang mga interception sa patuloy nitong pagpapaigting ng border inspection upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking at illegal recruitment.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na beripikahin muna ang mga job offer sa Department of Migrant Workers (DMW) at mga lehitimong recruitment agency.
Aniya, dapat maging maingat sa mga online job offer na nangangako ng napakataas na sahod, agarang deployment at iba pang benepisyo nang walang sapat na dokumentasyon.
Hinimok din ng BI ang publiko na i-report ang mga hinihinalang kaso ng human trafficking at illegal recruitment sa kanilang hotline na (+632) 8-465-2400 o sa [email protected] at [email protected]. JAY Reyes