MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Martes ang pagsasampa ng Bureau of Customs (BOC) ng anim na criminal complaints kaugnay ng mga shipment na idineklarang “chicken lollipops” ngunit natuklasang naglalaman ng libu-libong sako ng sibuyas at kahon ng carrots.
Sa pahayag, hinamon ng senador ang ahensiya na dapat humantong ang enforcement hindi lang sa raid kundi sa conviction na pangkaraniwang naibabasura ang kaso dahil sa teknikalidad.
“Kinalulugod natin ang desisyon ng Bureau of Customs na magsampa ng mga reklamo kaugnay ng misdeclared agricultural shipment at panagutin ang mga sangkot, kabilang na ang mga tauhan nito,” ani Pangilinan.
Isinampa ng BOC ang mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 22 laban sa may-ari at kinatawan ng importer, isang lisensyadong customs broker, mga opisyal at tauhan ng Customs, at iba pang indibidwal na umano’y sangkot sa shipments.
Ang anim na shipments, na naka-consign sa Berches Consumer Goods Trading at dumating noong Hunyo 2025, ay natuklasang naglalaman ng 15,029 sako ng sariwang puting sibuyas at 2,164 na kahon ng sariwang carrots nang isailalim sa physical examination.
Wala umanong kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry ang mga produktong pang-agrikultura.
Binanggit sa mga reklamo ng BOC ang umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, kabilang ang fraudulent misdeclaration at pag-angkat ng regulated agricultural products nang walang kinakailangang clearances.
Ang mga reklamo laban sa tauhan ng Customs ay binanggit din ang mga probisyong nagpaparusa sa willful neglect of duty at mga gawaing nagbibigay-daan sa paglabag sa customs law.
Sinabi ni Pangilinan na dapat ipakita ng kaso na may kahihinatnan ang agricultural smuggling dahil negatibo ang epekto nito sa mga magsasaka, mamimili at lehitimong negosyante.
“Hindi ito puwedeng hanggang dito na lang. Kailangan may kaso, may mananagot, at may hatol,” aniya.
Nanawagan siya sa DOJ na kumilos agad, sa BOC na isiwalat ang buong katotohanan, at sa lahat ng sangkot na ahensya ng gobyerno na magtulungan at isulong ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act kung nararapat.
Kaninang umaga, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na hahabulin ng bureau hindi lamang ang mga smuggler at kasabwat kundi pati ang mga tauhan ng Customs na napatunayang lumahok o nagpadali sa ilegal na gawain.
“Wala tayong pagtatakpan at hindi natin kukunsintihin ang anumang paglabag, lalo na kung may pagtatangkang abusuhin ang ating mga proseso. Importer man, broker, o kawani ng Customs, kung may sapat na ebidensya, gagawin natin ang nararapat at ihaharap ang kaso sa tamang proseso. Ang pananagutan ay para sa lahat,” ani Commissioner Nepomuceno.
Sa pinakahuling pagsasampa, sinabi ng BOC na nakapagsampa na ito ng 96 criminal cases na may 288 respondents at nakapagtala ng P13.7 bilyong halaga ng seizures mula 2025 hanggang 2026.
Bukod sa nawalang kita ng Customs, ang ilegal na pagpasok ng regulated farm products nang walang kinakailangang sanitary at phytosanitary clearances ay maaaring magdulot ng panganib sa food safety ng mga mamimili. Ang pagdagsa ng posibleng mas murang o ilegal na imported goods ay nagpapababa rin sa farmgate prices at binabawasan ang kita ng mga magsasaka. Sa paglipas ng panahon, pinahihina ng ganitong gawain ang viability ng lokal na agrikultura at sinisira ang pagsisikap ng bansa para sa food security. Ernie Reyes