Home NATIONWIDE Senate impeachment court, pagdedesisyunan na voting threshold sa kaso ni VP Sara

Senate impeachment court, pagdedesisyunan na voting threshold sa kaso ni VP Sara

2
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang dinggin ng Senate impeachment court sa Miyerkules, Setyembre 23, ang oral arguments hinggil sa bilang ng boto na kailangan upang ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial. Posible ring pagbotohan ang isyu matapos ang mga argumento ng prosekusyon at depensa.

Bibigyan ng tig-15 minuto ang magkabilang panig bago makapagtanong ang mga senator-judge at talakayin ang apela ni Sen. Erwin Tulfo laban sa naunang ruling ni presiding officer Francis Escudero na 16 boto ang kailangan para sa conviction.

Batay sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, walang impeachable official na maaaring ma-convict nang walang pagsang-ayon ng “two-thirds of all the Members of the Senate.”

Kinuwestiyon ni Tulfo kung dapat bang ibatay ang two-thirds requirement sa buong 24 miyembro ng Senado o sa mga senator-judge lamang na aktuwal na nakikilahok sa paglilitis.

Nauna nang nagbigay ng magkakaibang pananaw ang apat na dating mahistrado ng Supreme Court na inimbitahan bilang amici curiae o friends of the court. Sina dating Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno ay nagpahayag na hindi dapat awtomatikong nakapirmi sa 16 ang threshold, habang iginiit ni retired Associate Justice Adolf Azcuna na dapat manatiling kasama sa bilang ang mga senador na miyembro pa rin ng kapulungan.

Si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang nakatakdang maglahad ng oral arguments para sa prosecution, habang hindi pa inaanunsyo ng defense panel kung sino ang kanilang magiging tagapagsalita.

Gayunman, sinabi ni impeachment court spokesperson Reginald Tongol na maaari pang ipagpaliban ang botohan kung hihingi ng dagdag na panahon ang mga senator-judge upang pag-aralan ang mga argumentong ihaharap sa Miyerkules. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here