MANILA, Philippines – Idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18, 2026 bilang special non-working days sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1447, layunin ng tatlong araw na work suspension na mabawasan ang inaasahang traffic congestion at makatulong sa pagpapatupad ng security measures para sa mga kalahok sa ASEAN activities.
Sa awtoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang proklamasyon noong Setyembre 17.
Saklaw ng deklarasyon ang Lunes, Nobyembre 16, hanggang Miyerkules, Nobyembre 18.
May ilang ASEAN-related activities ding nakatakda sa Metro Manila sa nasabing panahon. Kabilang dito ang 16th ASEAN Maritime Forum sa Nobyembre 17 at 14th Expanded ASEAN Maritime Forum sa Nobyembre 18, ayon sa ASEAN 2026 calendar.
Nakatakda ring idaos sa Metro Manila sa Nobyembre ang iba pang ministerial, senior officials at regional meetings bilang bahagi ng 2026 ASEAN Chairmanship ng Pilipinas. Kris Jose