MANILA, Philippines – Nagkamali ang bagong inilunsad na “Kuya A” AI assistant ng eGovPH Superapp matapos nitong tukuyin si US President Donald Trump bilang presidente ng Pilipinas nang tanungin kung sino ang kasalukuyang Pangulo ng bansa.
Batay sa screenshot at screen recording na ibinahagi ni netizen Seve Barnett sa Facebook group na Philippine IT Security Forums noong gabi ng Setyembre 21, lumabas ang maling sagot kahit naka-set umano sa “Philippines” ang app. Naiulat din ng ibang online users ang kaparehong error.
Nang kuwestiyunin naman ng isang user ang sagot sa pamamagitan ng “sigurado ka dyan?”, si dating US President Joe Biden naman umano ang itinurong presidente ng Pilipinas ng AI assistant.
Pagsapit ng sumunod na umaga, tama na ang tugon ng Kuya A at kinilala na nito si President Ferdinand Marcos Jr. bilang kasalukuyang Pangulo, ayon sa mga sumubok muli sa sistema.
Nangyari ang glitch sa araw mismo ng opisyal na paglulunsad ng eGov AI sa Manila Hotel noong Setyembre 21. Sa mensahe ni Marcos na binasa ni Cabinet Secretary Benhur Abalos, hinimok niya ang publiko na gamitin ang AI nang “wisely, responsibly, and ethically” at huwag hayaang palitan nito ang sariling paghusga ng tao.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), kabilang sa mga kakayahan ng eGov AI ang document extraction, translation, image identification, government information assistance at iba pang AI-powered services.
Humihingi rin ang DICT ng P2.7 bilyong pondo para sa e-government programs sa 2027, kabilang ang cloud hosting, cybersecurity at system integration ng eGovPH platform. RNT